The Sakla Queen

                Uy ha, eto na naman itong kwento ng buhay ko ibabahagi ko sa inyo para naman minsan ay maging batayan ako kahit sa isang aspeto ng iyong buhay. Oo. Mahilig ako sa sugal, parang ito yata ang pwede kong gawin na hindi ko pwedeng pagsawaan. In fairness, hindi ako maselan pagdating sa pagwawaldas ng kakarampot na pera galing sa mga mayayaman kong kaibigan at barya-baryang kotong.
                Hindi man umusad ang career ng saklaan dito sa Abuyog, sa palagay ko naman ay may idea kayo tungkol sa high-end na sugal na ito. Kung wala ka naman alam kung ano ang tinutukoy ko ay maigi pang magtanim ka na lang ng kamote kesa naman sa aksayahin mo ang oras sa kakabasa ng blog na ito. Don’t get me wrong ha, pero nakakatuwa naman talaga magsugal kasi kung yumaman man ako dito, ang saya ng experience at thrilling experience diba bago yumaman. Baka ako na yata ang pinaka unang sugarol na yumaman at ito ay isang malaking contribution ko sa kasaysayan ng PAGCOR.
               
                    Kadalasan nilalaro ang sakla pag may lamay or may dedbol kasi mainit ito sa mata ng batas lalo na sa mga pulis na umaasa sa kotong kesa sa buwanang sahod nila. May mga pagkakataon din na umaarkila pa ng patay para lang mairaos ang grand sugal na ito. Parang big time talaga eh no? Pero wala tayong magagawa dahil illegal talaga itong sugal na Sakla. Ang sagwa naman ng pangalan eh no? Wag ka! Maraming lulong sa bisyong ito, wag na nating idamay ang mga pangalan nila at baka magkaroon pa tayo ng instant kaaway at mahaba rin ang listahan na’yon.
                Nagawi ako sa Bisig ng Kabataan sa may bandang Sangandaan. Oo. Dyan sa Caloocan, tama ka. Nagkataon ata nung buwan na’yon walang nalalagas na tao kaya dahil sa kating-kati na talaga ang mga sugalero’t sugalera, talagang nagpa latag na ng baraha para simulan na ang Sakla tournament.
                Sarap na sarap talaga ako sa kakalaro at ganado na talaga ako sa kakababa ng bet ko. Fresh na fresh pa nga ako nung time na yun kasi tagal ko na rin kasing hindi sumasalang sa bakbakan ng Sakla. Naalala ko pa yung sabon na gamit ko, syempre Dove. Hindi kasi ako hiyang sa mga murang sabon at muntik na akong ma confine sa allergy.
                Nasa kasarapan na ako ng sugal at abalang abala na sa kaka antay ng haring kopas at haring bastos. Naiisip ko na rin ang limpak-limpak na salaping katumbas ng pakikipagsapalarang ito. “Pag jackpot ako bibili ako ng Chicken Joy. Nom nom nom!” sarap na sarap na bulong ko sa sarili ko at atat na atat na sa panalo.
                Sa di kalayuan napansin ko ang tiyahin ko na parang kinakawayan ako na lapitan ko daw sya. Naku naman si Aling Pining talagang balak pa talagang sirain ang diskarte ko kaya dedmadela lang ako sa tawag nya. Bahala sya sa buhay nya basta ako “I have a feeling that tonights gonna be a good night talaga!” Nung hindi ko na pinapansin yung tiyahin ko, meron namang kalabit ng kalabit sa akin. Ano ba naman ito? Ang dami namang asungot at balak pa atang agawin ang araw ng pagyaman ko.
                Nagulat ako nang hindi ko pinansin yung kumakalabit sa akin ay biglang nagkagulo ang saklaan at napansin ko may posas na ang kamay ko. Waaaaah! Nagka hulihan! Malas! Hindi na ako maka alpas sa pulis na sya palang kumakalabit sa akin kanina pa. Ngayon ko lang din napagtanto kung bakit pala tinatawag ako ng tiyahin ko. Gusto nya pala akong isalba sa tiyak na kapahamakan. Anak ng tinapay naman!
                Hubad! Lahat pumila para sa picture, sabi ng matabang mamang pulis na pinagkaitan ng magandang pagmumukha. Salamat naman Lord at bongga ang bra ko Herway hehehe! Yung iba alam ko ukay-ukay. Teka? Bakit ngaba boldstar ang pictorials? Hindi ko yun naitanong ah.

Comments